Category Archives: its reklamo taym!!!!

gaano kadalas ang minsan…

10pm, sa time zone ng katawan ko alas-singko pa lang yan ng hapon kasi alas-dose naman talaga nag-uumpisa ang gabi ko… sabay sa holy week na paghihimala, alas-diyes nakatulog ng walang dayang phenergan at walang bedtime story sa laptop… tagal-tagal na rin yung last time na ma-experience ko yung normal na ginagawa ng karaniwang taong pumikit hanggang makatulog… sabay din kasi sa uso pag tulog sa gabi, nakakatampo din kayang laging burot tuwing normal na oras ng tulugan…rare miracle ‘to, mas madalang pa sa ulan sa disyerto… siguro dahil sa biglaang ulan kaya medyo feeling pinas, kaya binigla din akong nabola ng kama kong matulog, bukod sa aircon na kalimitan may topak masarap din daw magkumot… na ang unan, ang tamang gamit eh sabay sa pikit ng mata, hindi yang habit ko na patungan lang ng ulo…  na ang kama, hindi lang higaan, pwede ding gamiting tulugan pag gabi…feeling ko kasi para akong butiki na napapansin lang tuwing gabi… 

pero dahil mas matindi rin ang trip, minsan na lang maging proud kay glesy, ginising rin ako ng alas tres ng madaling araw para habol pa sa dilim, sabi ng diwa ko dapat bago mag-liwanag gising ako… pagtingin ko sa cellphone kong tumunog ng ringtone na monotone (lam mo na, bihira ang low-tech na sikat eh) pagkabasa ko “hello, sister how are you?”.. gusto ko umiyak at gumulong sa sahig…  oh come on, you must be kidding me! Anak ng turon, sira ang gabi… maagang dinuyan-maaga ding tumilaok… at dahil ako ang taong pinaghihirapan ang tulog pag walang araw, mahirap pilitin ang ayaw… hirap magkunwa-kunwariang tulog, tibok at pasma sa ulo lang  nahihita ko… wala na talagang extension ang milagro ng mahal na araw… hala sige bangon…

tapos sa harap ng salamin pagkatapos maghilamos. para pangkumpleto sa bwisit talaga eh nakapa ko tagyawat sa kilay… pero dahil sa tuwing makikita ko mukha ko sa salamin pagkagising, di ko maiwasan gawin ang ritwal—smile pa rin kahit iritado, nakakapanget mabwisit eh…. may istorbo pang tumawag, seryoso? 7:30am?… ano bang meron? laos na orasan?

gawa na lang ng isa pang milagro—mag-aagahan ako ngayon… putaheng masarap na masustansya pa… Papa Jetut, thank you for this morning, kaw talaga umagang-umaga pina-practical joke mo na naman ako… pero sabi nga ng kalaro ko dati, pikon-talo… magandang umaga :)… cheers-glesy the great :p

*wala lang, muni-muni, isipin mo na lang nasa loob ka ng utak ko, naririnig mo bulong nya… takbo ka na, bilis, baka di ka na makalabas…


tictac-tictac…

ambureng-bureng (spelled boring by normal people)… presently, naghihintay akong tumapat na si short hand sa 4pm..kupad, grabe, minsan mana sa uod ang oras pag gusto mong bumilis pero pag gusto mong bumagal nakakabastos sa bilis… kung nasa bahay lang ako ngayon itutulog ko na lang to panigurado… well, friday the 13th ngayon kaya umuulan ng kamalasan sa mga taong nakapansin ng cursed day na ‘to… nasa labas ako… ang init (kawawa na naman ang kutis putragis ko)… amoy tinadtad na limang kilong sibuyas yung katabi ko…  yung katapat ko na ale ang sarap palunukin ng scotch bright sa sobrang ingay—kala mo may kabugbugan sa baranggay kung mag-mura… tumitibok na utak ko sa sakit… idagdag mo pa na naguguluhan na rin siguro yung ulo ko kung dahil ba sa mabantot kong katabi, sa matinding init o sa bungangerang ale ang dahilan kung bakit sumasakit sya… confusion on its worst form ika nga…

ayan umalis na si manong na may tirador scent.. pero pinalitan naman siya ni kuya na may visually distracting na attire… si kuya parang adik lang, nakaka-nognog na nga yung init ng araw nakuha pang mag t-shirt na parang fishnet ang tela… di man lang nya naisip na pag umitim sya magmumukhang balat ng syokoy yung kutis nya… buti sana kung nagtataglay sya ng washboard abs, eh hindi eh.. at ang kulay ha, neon green, parang nakikipag-contest yung katingkaran ng shirt nya sa tingkad ng araw.. nakasuot siya ng jeans na mukhang sinampay sa barbed wire sa sobrang dami ng punit at pinalantsa ng bulag sa sobrang gusot…pero kung gumalaw si kuya PROUD AND FABULOUS ang arrive… kung meron mang semi-disente sa suot nya, siguro yung Havaianas nyang tsinelas… bakit semi-disente? kamote si kuya, ang brusko ng itsura pero naka pedicure na pink… nagulat talaga ako… sa sobrang gulat mejo nilapit ko yung ulo ko ng ilang inches sa paa nya… napansin ata ni kuya kaya in attempt na itago ang kanyang object of embarrassment eh sinubukan nyang ikulot pailalim yung mga toes nya… a lame act kasi ang lalaki ng daliri nya sa paa… ngumiti na lang siya sakin, siguro a silent way of him saying sorry sa walang kapararakan nyang kakikayan… ngumiti na lang rin ako… ah silent way to say thank you at dahil sa attire mong waging-wagi eh nakalimutan ko yung sakit ng ulo ko…. pag lingon ko wala na si manang bungangera… at parang may dumaan na malaking ulap kasi di na ganun kainit… malapit ng mag-4 halleluyah!!! layas na ako…

cheers;p-glesy the great


o pera, o pera… wer u na?

nababasa ko ang iyong kapalaran… kitang-kita dito sa palad mo na sa taon na ito ay magkakamit ka ng limpak-limpak na salapi… paano? isang malaking secret!!! hikhik

anak ng kamoteng buhay na to… lahat gusto magkapera, pero asan nga ba ang pera? ang pera nakakalat pero di mo naman mapulot… ang pera lagi mo nakikita pero laging nahahablot ng gastos kahit mas makunat ka pa sa niyog… ikaw na pera ka, nakakapikon ka na… matagal na akong nabuburot sa laro nating tagu-taguan…

simula pagkabata alam kong yayaman na ako, walang duda sabi ko nga… kahit ngayon, di nagdadalawang isip ang kokote ko tungkol sa kapalaran kong yumaman… di ko makita ang sarili kong naghihirap… di ko makita ang sarili kong nangungutang… di ko makita ang sarili kong umiiyak dahil sa pera… not in this lifetime!!! pero ang tanong paano? and there was silence… nablablanko at biglang tumatambling ang question mark sa utak ko… eeeeeeng… nag-aral ako ng accounting kasi ang chismis lagi kang may hawak ng pera pero “eeeeeennng” and sabi ni fate “game over please try again.. bleh”     Nag aral ako ng nursing kasi sabi malaki daw ang kita sa pag-aalaga ng may sakit… anak ng piso naman oo, ilang level ba to at parang walang hangganan… nakuha ko na lahat ng bonus points, nakain ko na lahat ng bonus life pero ang bali-balitang premyong salapi wala pa sa mga palad ko… nabubura na thumbmark ko kaka-charting… na-iimmune na ang olfactory nerves ko kakalanghap ng ihi every one hour… namamanhid na labi ko kakangiti sa pasyenteng ang sarap bigyan ng panibagong sakit sa katawan… namimintig na binti ko kakatinikling sa mga room ng pasyente… pero ang pera, asan na? masyadong pakipot tong perang to…

may bago akong raket ngayon… di ko alam kung andito ang pera… ikaw na pera ka, kahit saan ka magtago mahahanap pa rin kita… till death do us part… cheers? cheers!!!!-glesy the great


ang pugad, bow…

kakalungkot… dati ang buhok ko kasing lago ng nagdadalagang arabyano, kasing-kapal ng nagdadalagang tupa,  at kasing haba ng nagdadalagang manananggal… dati halos wala ng puwang ang sumbrero kasi pugad pa lang ng hair ko panis na ang eskimo hat, wala ng puwang ang balakubak kasi naburdahan na ng buhok buong bunbunan ko,  at wala ng puwang ang headband kasi wala pang ten cycles of breathing wala na sya sa tuktok ng ulo ko kungdi  nasa tuktok na sya ng noo ko (hindi na sya headband, SWEATBAND na siya mga kaibigan, SWEATBAND!!!)… dati pag sinusuklayan ako ng katulong namin, para siyang may sumpong na orangutan kung hatakin buhok ko; akala mo nag-dridrive ng bulldozer habang tinitirintasan  ako; at akala mo naghahatak ng kalabaw kung magtanggal ng buhol…buti na lang di ako naging kulot, dahil kung hindi, malamang naging garden of eden sana ng mga kuto ang ulo ko; isa sa mga maraming bagay na ipinagpapasalamat ko sa diyos ang di ko pagiging kulot kasi mas mainam pa ang taong pugot ang ulo kesa naman may ulo ka nga mukha naman siyang pugad ng agila.. pramis, makapal talaga sya… NOON YUN!!!

pero ngayon, kasing nipis na siya ng laspag na bunot… sinumpa ata ako ng isang kilong tawas ng katulong namin, kaya parang kakarecover ko lang galing sa tipus… kahit ata alimango kaya na akong i-dreadlocks ngayon… hindi pa naman kasing kinis ng jolen ang fontanel ko (wag kayong mapang-api) para lang siyang puyo “in the midst of  growth spurt”….

malamang sa kakaipit ko ng buhok kaya sya numipis… kung mag-ipit kasi ako ng buhok parang gusto kong makita laman ng utak ko sa sobrng hatak, pero  pag di ko naman ginawa yun mukha namang bulag ang nagsuklay sakin kaya kelangan talaga ng kamay na bakal…

mahirap talagang maging babae… ang daming kuskos-balungos… kung naging lalaki lang ako, matagal na akong nag pipoy hairdo… kaya naman nagpagupit ako, the nearest to pipoy hairdo I can manage. cheers? cheers!!!-glesy the great


…………….

gusto ko lang munang mag post pagkatapos manahimik… siguro naman pede pa kahit inaagiw na tong blog ko….

nag-isip isip lang ako… for the toooot toooot years na nabubuhay ako how much of that time na nagsasayang ako ng oras… di ko masasabing gusto kong tumambling sa tuwa dahil naging productive ang naturang toooot toooot years na nabubuhay ako… gumawa kasi ako ng timeline sa buhay ko na sasabog sakaling di ko nasunod yun… well, inisnooze ko ng inisnooze yun… yung tipong sa dami ng pindot ko ng snooze eh parang di na rin ako nag alarm…  ngayon naman cramming to the max naman ako… ang nakakalungkot baka wala na akong time na umidlip in future plans sa dami ng snooze na ginawa ko…

gumawa din ako ng promise sa sarili ko na ganito ganyan, pero anak ng palaka wala pa kahit turnilyong nakatayo sa promises ko…. well, uso to ngayong eleksyon so sunod sa uso pa rin ako….

natatakot ako? oo naman, kasi ayaw kong maging wala lang… di ako selfish na tao, alam kong alam ni papa bj (baby jesus) na kung ano man yung maging titulo ng buhay ko eh may maapektuhan na dalawang tao sa buhay ko… at putang ina na kung putang ina pero di ako makakapayag na maging ganun na nga….

so ano gagawin ko? di ko nga alam eh… kung may makikita ba akong “see instructions inside” eh di sana pinulot ko na yun habang gumugulong kahit ilang kilo pa ng page ang ituturn ko bago ako makarating sa english language dahil sa dami ng language translations ang ginawa ng masipag na author…

naging masaya ba ako? i should be!!! di ko naman naranasan na maging busabos, mamalimos or maligo sa dagat ng basura ika nga ni blank presidentiable… pero hala naman, im operating under an autopilot na ngayon… san na ako pupulutin pag nagcrash ako… may pasahero akong sakay, di ako solo flight lang… ang masakit pa sa ventricles nyan eh di basta pinasakay ko lang galing sa kanto yung mga pasahero ko… naging pasahero muna nila ako bago pa ako isilang… first class passenger ako ng nine months… at de-special service ako ng ilang toot toot years na rin… ilang taon akong under a free joy ride… siguro naman kakapalan ng tinga na kung lagi na lang ako sasakay sa kanila ng walang bayad…. ngayon naman sana gusto kong sumagot sa transpo at gas para naman madala ko sila kung san nila type… lalo na ngayon? nauubusan na sila ng gasolina kelangan ng magpuno ulet ng tanke…

nalulungkot ba ako? oo, kasi dati napapangiti ko sila sa kwento ko, ngayon? mejo kelangan ko ng mag level up ng gilas at magdagdag ng xp sa mga panggigiliw na gagawin ko… nauubusan na ako ng script…. kasi ngayon alam kong di na kaya ng script ko silang patawanin…. kelangan ko ng kumilos kasi di na sila madadaan sa pleasing personality at boka de bobo na usong uso sa hininga ko…

hay buhay… mananalangin na lang ako ng tagos sa laman na sana maging okay lahat… kung may kulang man, ang gusto ko above anything else na maging masaya sila… na kung may wala man, mapapangiti ko pa rin sila tulad ng dati… na kung may hanapin man pero wlang makita, eh magmahalan pa rin sila… kasi pag narinig-nakita-naamoy-nalasahan kung wala na ang lahat parang dudurugin ng serial jumbo mortar and pestle na may ngipin ang pagkatao ko… make me strong, kasi the strength i once have was finally into its last pieces na lang… pero i have to save that least one kasi yun na lang ang huling buga ko… Papa Lord, sana hulugan mo naman ako ng bonus answer kung ano ba next na kandirit ang gagawin ko… iniingrown na rin kasi kuko ko kakalakad ng walang address na pupuntahan… ayaw kong lumingon sa likod ko na jumbled letters lang ang pinaggagawa ko…. pero thanks pa rin sa lahat… sa lahat-lahat thanks talaga…. kelangan ko lang ng mahiwaga mong tour guide kasi naglalakbay akong nakablind fold, ayaw ko lang madapa na di ikaw ang magtatayo sakin…. kasi alam ko na kelangan kita sa natitirang toooot tooot years na ibubuhay ko…. cheers? cheers;p

ayaw kong maging glesy the great ngayon…. glesy na lang ok na….

(mas maganda palang magsulat pag alam mong wala ng magbabasa) thanks sa wordpress nagkaron ako ng slate outlet…


the proud, the few, the sandatahang maka-langgam…

Mga langgam dito sa amin parang Hukbo ng Sandatahang Rebolusyonaryong Nagkakaisa… Tama ba namang gawing Camp Aguinaldo yung keyboard namin? Hindi ko alam kung bakit pero ang hilig-hilig nilang ilaan para sa mga pabahay project nila ang keyboard ko… Habang ako eh hirap na hirap magpipindot times ten para sa isang letter lang dahil mukhang tinirikan na naman ng mga langgam ng livelihood community ang isang piraso ng pindutan ko… at di lang yon guys, mukhang may bagong batalyon na naman ng mga langgam ang magsisililipat bahay papunta sa keyboard ko…

Kung makapag martsa sila sa harapan ko parang buong giting pa nilang sinisigaw ang “The Proud, The Few, The Marines!!!” Lahat na ata ng massacre pinlano ko na with military precision, pero parang may ninong ata to sa furenaria, may renta na sa sementeryo at may insurance na ang mga mahal sa buhay kaya hindi na takot mamatay… sana alam nyo yung feeling na tuwing sa pag-aakala kong namamatay na sila at unti-unti ko ng nacoconquer ang mga barracks nila eh saka naman sila magpapasiklab ng kanilang sandatahang lakas… parang “mama mia, here we go again”… feeling ko mga sacrificial lambs lang yung mga pinapabayaan nilang patayin ko… mas malupit pa rin talaga ang counter-terrorist operations nila, parang ako yung nagmumukhang burot every encounter namin… isang langgam muna lalabas, kulang na lang torotot at bandera mukha ng parade of colours tapos hanggang maya-maya magsusunuran na ang mga disipulo at mga propeta… Akala mo mga bugtong na anak ni Bathala kung magpakita sakin… Kung makapang-akyat panaog akala mo mga titulado at mga priviliged citizens ng keyboard ko… Akala mo may legal rights na manirahan sa keyboard ko., grabe, so kapal di ba?..  Kaya bago pa ako maging proud owner ng isang ant farm at baka biglang maisipan nilang magrelocate at pagtulung-tulungang i-bayanihan ang keyboard ko, dinispatya ko na ang pest infested kong keyboard…

Pero okay na rin to kesa naman dati na nakikidagdag pa sa sakit ng ulo ko ang printer namin… May pagka-printer-slash-thumbprint-slash-shredder ang printer namin dati eh… In its best times magpriprint siya ng maayos at walang kapalya-palya pero in its worst times eh kung mag-print parang mas mababasa mo pa thumbmark ko kesa yung printout nya… meron pang pakulo yan na mukhang Bar Code yung pagkakaprint kasi talaga namang mas malupit pa ang stripes nya kesa sa balat ng Zebra… kelangan mong maging higly literate with a twenty-tweny vision para lang mabasa siya pero siyempre practice makes perfect… and i got a lot of practice…

Meron once, nagpuyat ako sa paggawa ng case presentation namin, mejo malapit na akong mangisay sa pagod at pagpriprint na lang talaga ang itutulog ko.. pero nag-uumpisa pa lang akong matulog na parang tupa ng biglang magising ako na may ugong ng bulldozer na dumadaan sa loob ng bahay namin.. pagtingin ko sa printer naming walang silbi, on process na niyang ginawang Origami Art ang mga papel ko!!! Tupi-tupi na nga, punit-punit pa… yung tipong kulang na lang calligraphy eh paper fan na siya… matatanggap ko pa kung kalabaw siya para araruhin na parang sakahan yung mga papel ko.. pero hindi eh.. PRINTER siya!!! PRINTER!!! ano ba namang mahirap intiindihin dun?… sumagot kayo!!! ano? BOW

cheers!!

glesy the great ;p


Limit the unlimited

Nung kuriputin ng globe ang unlimited promo nila dati, isa ako sa mga umangal na akala mo pinagkaitan ng buong article ng karapatang pantao… “Una na nilang tinanggal ang drop call, tapos ngayon naman yang unli ko… ano naman ang isusunod nila, ang puri namin!?!!!” Halos 7 days of God’s holy week ata akong unli ng mga pinagpalang araw na yun na parang 7-eleven in its grand-opening lagi ang load ko, kulang na lang eh ribbon cutting araw-araw… Para rin akong NSO na may census ng Globe user’s… During peak days, kaya kong punuin ang inbox mo kung mejo maliit ang space nyan, tipong kahit wala kang load eh magloload ka para lang murahin ako at bantaan ang aking buhay… mejo pindot to the max ako noon na kung meron lang group of muscles sa may hinlalaki malamang may six packs na siya…  hindi lang letter ng keypad ko ang matatanggal pati na siguro ang thumbmark ko… Damang-dama ko ang the power of communication noon, daig ko pa ang naka-kapa, naka-tiara at baston… Kung si beethoven kayang mag-piano ng completely deaf, ako naman kaya kong magtext ng completely blind at may kasama pang smilies… kung ung Typing na subject ko nung college eh cellphone at hindi typewriter malamang isang hambog at kumakalampag na UNO ang grade ko at pwede na ring mag-resign ang prof ko…

Kaya naman nung tinanggal nila ang halos 10 peso a day na unli… parang may punitan ng cedula sa balintawak na mangyayari sa pagkatao ko… Pero…

Ngayon? Di ba kayo naaasar sa mga chain messages na ipinapangako ang karumaldumal mong kamatayan kung di mo siya isesend sa lahat ng tao sa phonebook mo … kasi ako asar na asar na rin ako sa mga ganyang messages… parang gusto kong hanapin kong sino ang puno’t dulo ng text na yan at ipadanas ang sarili nyang description ng karumal-dumal na kamatayan with personalized bonus pa galing sakin…

Meron pang nagtetext na akala mo eh galing sya sa sarili kong tadyang kung humirit ng… “Hon, loadan mo ako ng 150” kaya naman ang reply ko kagad eh “Hon, mo mukha mo!!!”… Iba naman kasi ang kurba ng mukha sa kapal ng mga taong yan di ba? ako nga hindi nakakapagload ng 150 tapos ikaw pa loloadan ko!?!

At mga text na “phwedeh bhang mhakipag-text mhate?” di ba umuulang ng “H”? di mo alam kung kakaburot lang sa scrabble nitong taong to… Kaya ang reply ko na lang eh walang kagatol-gatol na “SINOH TOHHHHHHHHHHHH?” baka kasi matuwa siya pag nabasa nya ang favorite letter nya… kaya lang napa-isip ako, baka kasi sa sobrang tuwa nya eh tumawag pa sya… at nung sinabi na niya ang pangalan nya…  na ang hilig pang magforward ng mga chipanggang mga text messages in the middle of the night… ang sabi ko na lang eh “textmate tayo after 1 week bagong nakaw ko lang tong cellphone na to eh… kakapatay ko pa lang sa dating may-ari, baka mahuli ako” at to complete the message meron pa akong “Sssshhhhhhhhhhhhh!!!” sa huli para matapos na ang mundo ng “H”

yun lang.. bow, cheers;p-glesy the great